“Unti- Unti, Dahan-dahan, Dumadagundong, ang Munting Tinig ni Nene at ni Totoy”
Ni Darhyl John B. Cacananta
“ …habang bata pa sa damuhan maghabulan, magtampisaw sa ulan…hayaan mong mag-laro ang bata sa araw at kung may ulan naman ay magtampisaw, mahirap man, o maykaya, maputi, kayumanggi at kahit anumang uri ka pa, sayong mundo pag bata ka ...”
Ang daigdig ay isang paraiso para sa mga musmos./ Isang tahanang/ puno ng pagmamahal at pagkalinga,/ at higit sa lahat/ ay kaligayahan./ Hindi ko mawatas/ ang mga tamang pananalitang/ dapat bigkasin/ upang mailarawan ang inosenteng kaligayahang sa tuwina/ ay nananahan/ sa puso ng mga paslit./ At lubos ang aking paniniwalang/ kaysarap maging bata…//
Naalala kong/ ako,/ ikaw,/ at siya/ ay magkakamag-aral sa pagtatampisaw sa ulan./ Magkakapatid sa pagbubuo ng mga bagay/ na bunga ng malayang imahinasyon gamit ang putik./ Magpipinsan sa pagtakbo sa kaparangan/ at pag-akyat sa punong manga/ kung ito ay may bunga/ lalo at higit kung tulog na ang may-ari./ Anong kayamanan ang mga gayong alaala./ Ikaw kaibigan/ natatandaan mo pa ba?
Ang tao sa pagsilang ayon sa mga eksperto/ ay nasa yugto kung saan siya ay tinatawag na “ tabularasa”/ o isang “blank sheet” sa wikang ingles./ Nangangahulugang siya ay walang nalalaman/ o ni kaunting karanasan/ sa kung ano ang daigdig./ Ngunit/ sa pagsikat ng malayang araw sa silangan ay unti-unti niyang matututuhan/ kung paano ang sa mundo ay mabuhay./ Magsisimula siya sa pagkilala sa kanyang mga magulang./ magtitiwala/ at iibig sa kanila./ Tuturuang tumundig/ at kapagdaka ay magsalita./ Gamit ang tiwala at tatag ng maliliit na buto ay gaganapin niya ang unang hakbang ng buhay. Ang simula ng lahat ng paglalakbay. Bubuo ng mga masasayang ala-alang tulad ng masasayang karanasang aking binanggit.
Ngunit ang mundo ay hindi laging mapagbigay. Kadalasan ay maramot siya sa ngiti, o sa munting kaligayang kailangan sa paglikha ng isang indibdwal na mayroong sapat na kakayahan upang maging kapaki- pakinabang sa kanyang paglaki. Kay lungkot isipin ngunit sa totoo, maraming mga bata ang napagdaramutan ng pagkakataong sulitin ang pinakamagandang yugto ng buhay – ang pagkabata. Ang yugto kung saan nila hinuhugot ang mga simulain, at magiging pananaw sa buhay. Maraming mga pag-aaral na ang nagpatunay na malaki ang ambag ng mga panahon ng pagkabata sa kung ano siya sa hinaharap. Nakakatakot isiping ang mga susunod na henerasyon ng mamayan ay maaring yaong mga paslit na napagdamutan sa kanyang kabataan, ano kaya ang maari nilang gawin sa lipunan?
Sa aking palagay, upang maiwasang maging mas miserable ang ating hinaharap ay kailangan nating pagtuunan ng pansin lalo ng mga magulang, ang mga kabataan higit yaong nagsisimulang mag-aral kung ano ang buhay. Ibigay natin ang pinakamasidhing pagmamahal na kaya nating ipadama sa kanila upang baunin nila ito sa paglaki nila. At higit sa lahat dapat natin silang imulat sa kanilang mga karapatan bilang tao, kailangang masiyahan sila sa mga karapatang ito, upang ito ay ipagkaloob din nila sa kanilang magiging mga anak at apo. Ang wika nga ng ating mga matatanda, “kung paano kang pinalaki ay gayun mo rin palalakihin ang iyong anak”.
Ayon sa Article 3 ng PD603 - Child and Youth Welfare Code, ang ilan sa mga karapatan ng bata ay ang mga sumusunod:
1. Karapatang maisilang at mabigyan ng pangalan. Ang karapatang ito ang pinakauna sa lahat ng kanyang mga karapatan. Ngunit sa panahon ngayon, marami ng mga sanggol ang di nasisikatan ng araw dahil sa aborsyon. Ang iba naman ay naisisilang ngunit hindi mabigyan ng pangalan sa dahilang siya ay anak sa labas o kaya naman ay anak ng isa ring batang lalaking tumakas at natakot sa responsibilidad.
2. Karapatan maging malakas at malusog. Malalakas nga ang ating mga Nene at Totoy ngayon. Karamihan, malalakas humitit ng ragbi o kaya magsugal. Malulusog rin ang ilan, malulusog ang mga pasa sa katawan dahil sa pambubugbog ng minsa’y sarili pa nilang mga magulang. Nakahahabag na kalagayan ang gayon, ngunit wala naman tayong magawa upang saklolohan ang maliliit na tinig na iyon na nabulid sa dilim ng kanilang tinatawag na “tahanan”.
3. Karapatang mabigyan ng maayos na tahanan. Isang tahanang kukupkop at hindi sa malamig na simento natutulog. Ito ang karapatang kung tutuusin ay madali sanang magagampanan ng mga magulang kung hindi lamang hinahayaan ng ilan sa kanila ang mga bata na magpalipas ng magdamag sa lansangan, habang ang kanyang ama at ina ay mahimbing na natutulog o kaya’y masiglang lumilikha ng isang bagong tao.
4. Karapatang tumira sa isang malinis, maayos at ligtas na kapaligiran. Kay igi sana kung maisasakatuparan ng lahat ng mga magulang ang karapatang ito. Sa dahilang napakalaki ng impluwensya ng kapaligiran ng bata sa kanyang pag-uugali. Sa katotohanan, maraming pagkakataon sa buhay, na kapag tinanong mo ang bata kung saan siya lumaki at nagmula at pinuntahan mo ang lugar na iyon, ay malalaman mong madali kung anong uri siya ng tao. Sapagkat sa totoong buhay napakadalang mangyaring may tumubong isang magandang bulaklak sa gitna ng disyerto. Marahil maari nating lagumin na kung panay sugalan ang nakapaligid sa kanilang tahanan, mahirap paniwalaang hindi siya marunong magsugal.
5. Karapatang makapag-aral. Ang edukasyon ang ika nga ay isa sa pinakamalaking susi upang maging kapaki-pakinanbang ang tao sa lipunan. Kung ang lahat lamang ay nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral disin sana ay isa na ang Pilipinas sa mga pinaka tanyag na bansa sa daigdig, dahil ang mga Pilipino ay pinaniniwalaang isa sa mga pinakamatalinong lahi sa mundo. Nakapanghihinyang isipin na napagdadamutan ng edukasyon ang marami sa atin kung kaya lalong humihirap ang buhay at nauuwi sa krimen ang lahat ng pantustos sa mga pangangailangan.
6. Karapatang maglibang. Ang karapatang ito’y hindi dapat nakawin sa mga bata upang sila ay paglimusin sa kalsada o kaya ay pagtindahin ng sampaguita. Ang mga magulang ay may tungkuling sila ay pagkalooban ng makakain araw-araw. Huwag sana nating hayaang mamaos ang mga maliliit na tinig sa paghiyaw upang marinig sila sa napakalaking mundong ito. Tulungan natin silang takasan ang maruming lansangan.
7. Karapatang magkaroon ng pamilyang mag-aaruga. Ipadama sana ng mga magulang sa kanilang mga anak na sila ay minamahal sa twina. Huwag silang hayaang humanap ng karamay sa droga, alak, at barkada sa murang edad, kupkupin nawa sila sa pag- aarugang walang kapantay at nang hindi maging mabagsik ang pagtingin nila sa buhay.
8. Karapatang matuto nang mabuting ugali at magandang-asal. Ang mga kabataan lalo’t higit yaong mga nasa gulang lima pataas ay masinsinang lumilikha ng sariling pag-uugali at pananaw. Ipakita sa kanila ang ehemplong dapat tularan upang maibahagi at mapanatili nila ito sa kanilang katawan sa habang panahon.
9. Karapatang ipagtanggol at matulungan ng pamahalaan. At ang huling karapatang ito ay kailangan din nilang maranasan. Upang makapagtiwala sila sa lipunang kanilang kinabibilangan. Sa kanilang paglaki, batid kong mas magiging malalaim ang pag-ibig nila sa bayan kung may tiwala sila sa pamahalaan. Ang Pilipinas kung magkakagayon ay hindi na mangungulila pa sa mga anak niyang nangingibang bayan upang doon gamitin ang talino at kasanayan. Dahil sa karapatang ito, matatalos ng bata na suklian ang pag-ibig ng inang bayan, at higit sa malamang hindi niya ito iwanan.
Ang aking mga binanggit ay ilan lamang sa mga karapatan nina Nene at Totoy ayon sa ating saligang batas, ngunit sa siyam na aking binanggit maraming mga bata ang alam kong hindi nagkakamit ni isa o dalawa manlamang sa mga iyon. Sana maging inspirasyon sa marami ang aking pananalita at makapagbukas ito ng munti mang siwang sa ating isipan upang mayroong pumasok na liwanag sa ating isipan lalo tungkol sa mga kabataan at kanilang mga karapatan. Hindi magtatagal tayo ang susunod na magiging mga magulang. Alagaan at proteksyunan natin ang mga karapatan ng ating mga anak at apo. Makiisa tayo sa pagtiyak sa kanilang magandang kinabukasan. Dahil sa pamamagitan niyon ay makatitiyak rin tayo ng isang magandang bukas para sa ating bayan.
Ang wika nga ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal “ ang kabataan ang pag-asa ng bayan “, sa dahilang sila ang magiging mga miyembro ng isisilang na bagong lipunan.
Ngayon sa huli, nais kong tapusin ang pananalita sa pag-iwan ng isang hamon sa bawat isa. Kaya ba nating isulong ang mga karapatan nina Nene at Totoy? (hinto para sa sagot). Kaya ba nating baguhin ang bulok na paraan ng pagpapalaki sa maraming kabataan n gating bayan? (hinto para sa sagot) Magiging kaisa ba tayo sa paglikha ng isang bagong lipunang may pag-asa sa mas mabuting buhay? (hinto para sa sagot)
Kung gayon, ay simulan na natin ang bagay na ito ngayon, upang higit nating madama ang pasimula ng pagsasakatuparan ng isang kasisilang na hamon, ipikit natin ang ating mga mata, sama-sama at hawak kamay nating pakinggan ang “Unti- Unti, Dahan-dahan, at Dumadagundong, na munting tinig ni Nene at ni Totoy”
Maraming salamat po at mabuhay kayong lahat!