Monday, April 23, 2012



“PARAISO:Lunan ng pakikibaka, pagpapakasakit at tagumpay”
Ni: Darhyl John B. Cacananta
            Paraisong matatawag ang isang lugar kung ito ay nagtataglay nang maganda tanawin na nakaiingganya ng paningin. Dagdag pa rito ang paligid na nakagiginhawa sa pakiramdam at masasabing malayo sa kapahamakan. Luntiang kulay ang karaniwang tinataglay ng isang paraiso na dulot ng iba’t ibang uri ng mga halamanng nakalambitin sa mga puno o di kaya naman ay nakaugat sa lupa. Ngunit ito ay literal na pagpapakahulugan sa tinatawag na salitang paraiso. 
            Subalit sa iyong sariling pananaw ano nga ba ang salitang paraiso? Nararapat ba nating sabihin na ang tao ay may kani-kaniyang Paraiso?
            Ang mga tanong na ito ang nais kong bigyang tuon. Sapagkat sa aking sariling karanasan sa pagtahak sa landas ng aking buhay ay masasabi kong ang isang paraiso ay hindi mo sasabing paraiso sa pamamagitan lamang ng pagsulyap dito. Ang paraiso ay hindi lamang nakatuon sa mga palamuting nakakalat sa lugar na iyon kundi maging ang lahat ng detalyeng kumakatawan sa isang lugar.  Pasasabi mong paraiso ang isang bagay kung naranasan mo ang maglagi rito.
            Ang lugar na aking pansamantalang lilisanin sa ngayon ay maituturing kong panibagong paraiso. Dahil sa siya ang ganap na pumanday sa aking karunungan at nagbigay ng sapat nakakayahan at lakas sa aking dati ay nanghihinang mga pakpak upang makalipad at pumailanglang sa alapaap, humubog sa aking pagkatao at pananaw sa buhay, nagbigay ng karampatang dahilan upang ipagpatuloy ang karera ng buhay.
            Tunay nga na nakalulungkot na sa ngayon ay kinakailangan kong lumisan sa paraisong akin nang nakasanayan upang magkaroon ng panibagong kabanatana ng aking buhay. Sa paraiso kung saan ay naranasan ko ang makipagpahabaan ng pisi dahil sa dami ng mga ginagawa at mga pagsubok na sadyang nakapanghihina nang loob. Sa paraiso kung saan narasan ko ang mag-isa at sabihin sa aking sarili na dapat kong tumayo sa mga sarili kong paa upang maipakita sa lahat na mayroon akong naisin sa buhay. Sa paraiso kung saan ay nakasalamuha ko ang iba’t ibang uri ng mga tao na nagbigay sa akin ng sapat na kakayahan upang makipagsabayan sa agos nang buhay sa kabila nang pagbabago-bago nito. At higit sa lahat sa paraiso kung saan ay nakilala ko ang mga taong nakaagapay, naging katuwang at nagbigay sa akin ang inspirasyon upang makamtam kung ano man ang nakamit ko sa puntong ito ng aking buhay. Ang mga taong ito na aking binibigyan ng tuon ay ang ISPIRIBAMBAM sa katauhan nina Ange, Gellie, Mayet, Grace, Noreen, Jenica at Kristine. Ang ISPIRIBAMBAM na nakasama ko sa lahat ng plano na magpupuyat para gumawa ng proyekto subalit paglipas ng gabi ay namumugto ang mata dahil nabusog ang mata sa tulog at higit sa lahat ay nakasama ko sa mga lakwatsa na nagbigay ng pahinga sa akin sa mga panahong nais nang bumigay ng aking katawan. Mga naging kasamahan ko sa KONSEHO NG MGA MAG-AARAL SA KOLEHIYO NG EDUKASYON na nagdulot ng malaki sa aking pagkatao. Sila ang mga nakasama ko sa pagtuklas sa aking kakayahan sa pakikisalamuha sa iba’t-ibang uri ng tao na may kani-kaniyang pag-uugali at interes sa buhay. Mga kaibigang kabahagi ng DAMBANA na nagpakita ng tunay na kulay ng aking pagkakakilanlan. Silang lahat ang maituturing kong kayamanang hindi matatapatan ng alinmang material na bagay.
            Ngayon ay darako na ako sa isang panibagong bahagdan ng aking buhay. Subalit ang paraisong aking lilisanin ay hinding hindi mawawala sa aking pag-iisip. Ito ay makikiisa sa mga lugar na aking napuntahan na nagdulot sa akin ng lubos na kasiyahan.
            Ito ang tunay na paraiso. Paraisong maituturing na hindi mababaw at hindi nagtataglay ng literal na katangian subalit ganap na nagpakita sa akin ng tunay na hitsura ng mundo.  

No comments:

Post a Comment