Friday, February 15, 2013


“Si Digong Dilaw”
Ni Darhyl John B. Cacananta

            Malamig at malinis na hangin, malinaw na tubig sa batis, maiingay na sigawan na huni ng mga ibon at iba’t ibang hayop ang iyong mailalarawan sa lugar na pinaninirahan ng pamilya ni digo. Payak lamang ang uri ng kanilang pamumuhay doon nagtatanim sila ng gulay, nangingisda at nangangaso naman sa tuwing nagsasawa na si digo sa mga gulay bilang pagkain.
            Bagaman karamihan sa mga pagkaing nakukuha ng mga magulang ni digo sa gubat ay gulay at isda. Ang karne ng ibat-ibang hayop ang kaniyang paboritong kainin. Kaya’t kung minsan ay pinapalo siya ng kaniyang tatay sapagkat kung walang huli ang kaniyang tatay at tanging gulay at isda ang inihain sa hapagkainan ay hindi kumakain si digo. Bukod pa rito ay hindi rin tumutulong sa gawaing bahay si digo. Pakikipaglaro lamang sa kapitbahay ang kaniyang ginagawa sa loob ng maghapon. Mahilig din si digo sa mga dilaw na bagay tulad ng dilaw na tsinelas, damit at maging sa mga pagkaing dilaw ay mahilig din siya at ilan sa mga ito ay ang kalabasa, papaya, hinog na mangga at marami pang-iba.
            Isang araw habang siya ay natutulog, nagulat na lamang siya sa pagmulat ng kaniyang mga mata ay puro dilaw na ang kulay ng kaniyang paligid at ang lahat ng kaniyang mahawakan ay nagiging dilaw na rin. Ganuon na lamang ang lakas ng iyak at sigaw niya palayo ng kaniyang bahay. Nang marating niya ang pusod ng kagubatan ay labis na lamang ang kaniyang hilakbot sa sarili sapagkat ang lahat ng puno, halaman at mga hayop na kaniyang nadadaanan ay naging dilaw din. Dahil sa labis na pagod ay napaupo siya sa ugat ng isang punong mulawin. At habang duon ay namamahinga isang  malamig na himig ang bumulalas na tila boses ng isang ingkantada at sinabing
“ Digo…Digo… ang lahat ng ito ay iyong mararanasan kung magpapatuloy ka parin sa pagiging tamad at hindi pagkain ng mga gulay.”
Ganuon na lamang ang pasasalamat ni digo ng malamang ang lahat ng kaniyang karanasan ay isang panaginip lamang at magmula nuon ay kinakain na ni digo ang iba’t ibang uri ng gulay at higit sa lahat tumutulong narin siya sa gawaing bahay.