Thursday, September 13, 2012




Sino nga ba ako, 
Ako na patuloy na  naghihintay 
At umaasang mahalin mo,
Ako na sa tuwing sasapit ang gabing mapanglaw 
Tanging larawan mo lang ang aking tinatanaw. 

Sino nga ba ako, 
Ako na ang tanging hangad ay ang kaligayahan mo 
At patuloy sa pag-unawa sa mga pagkukulang mo, 
Ako na laging kampante at naghihintay na masuklian mo
Nang kahit kaunting baryang mula sa puso mo 
Ang laksa-laksang pagmamahal na binigay ko na sa iyo. 

SINO NGA BA AKO? 

Sunday, April 29, 2012



“Estranghero”
Ni: Darhyl John B. Cacananta
“Kailangan mong unawain na ang lahat ng taong nakasama mo ay maaaring manatili sa iyong puso subalit hindi sa iyong tabi”
            Ito ang salitang pilit bumitaw sa aking mga bibig upang mahimasmasan ang aking kaibigan. Isang taon na rin ang nakaraan ng aming nilisan ang lupain ng Maynila kung saan naganap ang mahika ng pag-ibig sa pagitan ng aking kaibigan at nang isang hindi kilalang lalaki. Istranghero kung aking tawagin ang lalaking iyon.
            Araw nang lunes aming tunungo ang lugar kung saan ay nakatakdang paggugulan namin ng aming bakasyon ng aking kaibigan. Sinadya naming iwan ang kaniyang pinipintakasi na walang ibang ginawa kundi ang magbantay sa lahat ng kaniyang ginagawa at maging ang pagkaing isusubo niya sa kaniyang bibig. Nagawa namin ito dahil nais namin na maranasang muli ang saya at walang humpay na paghalakhak bilang magkaibigan tulad ng kami ay mga bata pa lamang. Buong akala ko ay iyon ang magaganap sa pagitan ko at nang aking kaibigan.
            Subalit unti-unti itong nagbago magmula ng kami ay nagtsek-in sa isang hotel na hindi naman kamahalan. Dito ay nakilala nang aking kaibigan ang isang lalaking nagmula rin sa probinsya na ayon sa kanya ay nagbabakasyon din sa naturang lugar. Dahil nuon lamang siya napunta sa maynila ay hindi pa niya kabisado ang mga pasikot-sikot sa lugar. Ang aking kaibigan ang naging gabay nang lalaking ito.
            Isang araw, nagkayayaan kami nang aking kaibigan na maglibot kasama ang istrangherong lalaki. Tumunog ang telepono nang aking kaibigan na nasa aking bag. Ito ay ang kasintahan nang aking kaibigan na nagpupuyos sa galit dahil marahil ito sa hindi namin paghingi ng paalam sa kanya bago kami pumunta ng maynila. Ito ang naging dahilan kung bakit pinili nang makipaghiwalay ng aking kaibigan sapagkat masyado na siyang nasasakal ayon sa kanya.
            Wala akong ibang magawa kundi ang suportahan ang hakbang na ginawa ng aking kaibigan. Alam kong masakit para sa kanya ang makipaghiwalay dahil iyon ang lalaki na naging kasintahan niya sa mahabang panahon.
            Magkaganuon pa man, habang lumilipas ang mga araw ay lalong nagiging masidhi ang pagsasama nang dalawa. Napaghahalata kong tila ba lalo nilang nakikilala ang bawat isa habang tumatagal. Naikwento pa nga ng kaibigan ko na kaya pala napadpad sa maynila ang lalaking iyon ay dahil  ninais niyang makapag-isip-isip sapagkat ang kaniyang kasintahan ay nagnanais nang magpakasal subalit sa kaniyang palagay ay hindi pa siya handa.
            Dumating ang kaarawan ng aking kaibigan at niyaya ako ng istrangherong lalaki upang bumili nang panregalo sa aking kaibigan. Pumasok kami sa isang pwesto na naglalako ng damit, sapatos at mga kolorete sa katawan dahil mahilig sa mga ganuong bagay ang aking kaibigan kung kaya’t iyon ang naisip namin na ibigay sa kaniya. Habang ako’y aliw na aliw sa pamimili ay nakita kong may kausap na babae ang aking kasama. Tila napakalalim ng kanilang nang kanilang pinag-uusapan kaya pinasya ko ang magpatuloy sa aking ginagawa.
            Sinubukang ko ang magtanong habang kami ay pauwi na sa hotel kung saan ay naroroon at naghihintay ang aking kaibigan.
            “Sino ang babaeng nakausap mo kanina.” Pag-uusisa ko.
            “Ah! Iyon bang kausap ko kanina habang tayo ay nasa pamilihan ng damit, hmp… isang kaibigan hindi ko kasi inakala na narito pala siya sa maynila.” Pagpapaliwanag niya.
            Magmula nuon ay hindi na ako muling nagtanong tungkol duon. Nalaman ko nalamang na ang kasintahan nang istrangherong lalaking iyon ay nagpakasal na rin sa ibang lalaki. Kung kaya’t ganuon na lamang ang kanyang lungkot na nadama.
            Ngunit sa kabila nang lungkot na nadama nang aking kaibigan at nang istrangherong lalaki ay unti-unti itong nabago habang tumatagal. Tila hindi na yata gabay na lamang ang silbi nang aking kaibigan sapagkat madalas silang lumalabas at naglilibot sa luneta nang silang dalawa na lamang. Minsan nga ay pinipili ko na lang ang maiwan dahil nagmumukha akong tyaperon kapag kasama ako.
            Nagulat na lamang ako sa aking nakita nang inihatid ang aking kaibigan sa pintuan nan gaming kwarto at nagdampi ang kanilang mga labi. Sa puntong iyon ay lubos ko nang naunawa na sadyang hindi na mapipigilan ang kanilang mga damdamin sa naisin nila sa isa’t-isa.
              Bumilis ang mga araw at umamin na rin ang aking kaibigan na tila ba bibigay na ang kaniyang puso at mahuhulog na siya. Magmula nuon ay lagi na lamang akong naiiwang mag-isa sapagkat palaging ang dalawang iyon ang magsama at madalas din silang magkasabay na kumain. Sa paglipas ng mga araw ay lalong naging masidhi ang damdamin ng dalawa sa isa’t-isa at sa aking palagay ay naging sila na. Ang bawat sandali sa kanilang dalawa ay tila isang pagkakataon na pahahalagahan at mamahalin ng isa’t-isa, walang materyal na bagay ang makahihigit o makatutumbas man lamang dito.
            Isang gabi ay naungkat sa usapan ang pagpapakasal ng kasintahan ng istrangherong iyon sa babaeng kaniyang kasintahan. Sinabi niya na kung magkakaroon ng pangalawang pagkakataon upang mapakasalan ang babae na kaniyang nais pakasalan ay gagawin na niya iyon ng walang pagdadalawang iysip. Masakit para sa aking kaibigan na marinig ang ganuon subalit wala siyang magagawa dahil iyon ang tulay na dinidikta ng puso ng lalaking istrangherong iyon.
            Araw nang martes nang kami ay maglibot sa gilid nang manila bay. Sa isang dako ng manila bay ay ninais naming magpakuha ng larawan. Subalit ganuon na lamang ang aming pagkabigla nang muling magkita ang babaeng nais pakasalan nang istrangherong lalaki at sa sandaling iyon ay hindi ninais na mang-agaw ng atensyon ng aking kaibigan bagkus ay binigyan namin sila nang pagkakataon.
            Parang itinarak ang punyal sa aking puso nang marinig naming dalawa nang aking kaibigan ang kanilang pag-uusap.
            “Bakit ka naririto nasaan ng iyong asawa sapagkat may nakapagsabi sa akin na ikaw ay nagpakasal na?” pag-uusisa nang istrangherong lalaki.
            Sa puntong iyon nang kanilang pag-uusap ay nais ko nang takpan ang aking mga taenga upang hindi madinig ang tugon ng babae na nasa aming harapan. Subalit tila isang matatag  na batong hindi matitinag ang tindig nang aking kaibigan kung kaya’t masakit man sa aking pakiramdam ay nagpakatatag din ako. Para sa kanya.
            “Totoo ang balitang iyong natanggap. Subalit napag-isip-isip kong hindi tama na magpakasal ako sa taong kailanman ay hindi ko ninais na mahalin. At humantong ako sa desisyong… kung magpapakasal ako ay sa mahal ko na.” isang malungkot na mukha ang isinambulat sa amin ng babaeng nakatindig sa aming harapan habang sinasabi ang mga salitang iyon. Ang sumunod na tagpo ay sadyang napakasakit. Niyakap nang istrangherong lalaki ang babaeng naluluha na at sinabing “handa na ako at mahal parin kita, atin nang bigyang buhay ang ating mga pangarap”
             Pagkalipas marinig ang salitang iyon nang aking kaibigan ay hindi na niya na tagalan pa ang pag-alis. Tumakbo siya palayo sa dalawa, agad ko siyang sinundan at dinamayan sa pagluha. Tunay nga na napakasakit nang nangyari sa aking kaibigan magkagayon paman ay sinubukan siyang kausapin ng istrangherong lalaki subalit hindi na siya pinakinggan pa ng aking kaibigan at sinabi na lamang ang salitang “wag kang mag-alala at ayos lang ako.” habang mabilis na tumatakbo palayo.
            Hindi na ninais magkalinawan ang dalawa. Ang aking kaibigan na lamang ang siyang kusang lumayo at dumistansya.
            “Ninais ko ang lumayo at hwag nang magkaroon ng pagpaliwanag sa isa’t-isa dahil malinaw na sa akin ang lahat. Sabagay nga naman ay pawang bakasyon lang ang pakay namin dito sa maynila. Nagkaroon man nang masaya pangyayari sa pagitan niya at ako iyon ay magiging ala-ala na lamang. Tama ang aking disiyon na hwag naming sabihin ang pangalan ng isa’t-isa upang magkaroon upang sa pagdating nang panahon na sila ay nasa kani-kanilang probinsya na ay wala silang alalahanin tungkol sa kung anung kwento ang naganap sa kanila habang sila ay nasa maynila pa lamang. Sapat na ang kaniyang pagiging ESTRANGHERO na minsan ay nagpasaya ngunit tumalikod nang nakita ang kaunting oportunidad sa iba. Sadyang masakit ang maranasan na ikaw ay talikuran ng taong iyong inaasahan subalit walang mangyayari kung ilulugmok ko na lamang ang aking sarili sa isang tabi. Nakaya ko ang mamuhay nuon kahit wala siya sa paningin ko at iyon ang ibabalik ko sa ngayon” Naghihinagpis na tugon sa akin ng aking kaibigan nang tanungin ko siya kung bakit hindi niya pinabayaang magpaliwanag ang estrangherong lalaking iyon. Wala na akong naitugon sa kaniyang sinabi. Ang tanging inintindi ko na lamang ay ang kaniyang damdamin na nangangailangan ng pagdamay.
            Bakit na kaya may mga taong sadyang oportunista at manggagamit? Kung kailan ka nila kailangan ay saka lamang sila lalapit at manghihingi nang awa at sa panahong matugunan mo na kung ano ang kanilang kailangan, bakit kaya unti-unti na lamang silang gagawa nang paraan upang makaalis hindi ka na lamang papansinin? Kapag ikaw ay nasaktan, bakit kinakailangan na sila ay magkunwaring manhid at para bang walang nangyari? Hay…tunay na kahirap maunawa. Magkaganuon pa man ang mahalaga sa ngayon ay alam ko na kung kailan ka dapat lubos na magtiwala at magbigay ng lubos na atensyon sa mga bagay-bagay. Kung ano ang dapat na pagtuunan nang pansin at dapat na laruin. Kung ano ang dapat pag-aksayahan ng panahon at gawing pampalipas oras. At ang pinakamahalaga sa lahat na aking natutunan, kung saan ay nasabi ko rin sa aking kaibigan na “Kailangan mong unawain na ang lahat ng taong nakasama mo ay maaaring manatili sa iyong puso subalit hindi sa iyong tabi”

Monday, April 23, 2012



“PARAISO:Lunan ng pakikibaka, pagpapakasakit at tagumpay”
Ni: Darhyl John B. Cacananta
            Paraisong matatawag ang isang lugar kung ito ay nagtataglay nang maganda tanawin na nakaiingganya ng paningin. Dagdag pa rito ang paligid na nakagiginhawa sa pakiramdam at masasabing malayo sa kapahamakan. Luntiang kulay ang karaniwang tinataglay ng isang paraiso na dulot ng iba’t ibang uri ng mga halamanng nakalambitin sa mga puno o di kaya naman ay nakaugat sa lupa. Ngunit ito ay literal na pagpapakahulugan sa tinatawag na salitang paraiso. 
            Subalit sa iyong sariling pananaw ano nga ba ang salitang paraiso? Nararapat ba nating sabihin na ang tao ay may kani-kaniyang Paraiso?
            Ang mga tanong na ito ang nais kong bigyang tuon. Sapagkat sa aking sariling karanasan sa pagtahak sa landas ng aking buhay ay masasabi kong ang isang paraiso ay hindi mo sasabing paraiso sa pamamagitan lamang ng pagsulyap dito. Ang paraiso ay hindi lamang nakatuon sa mga palamuting nakakalat sa lugar na iyon kundi maging ang lahat ng detalyeng kumakatawan sa isang lugar.  Pasasabi mong paraiso ang isang bagay kung naranasan mo ang maglagi rito.
            Ang lugar na aking pansamantalang lilisanin sa ngayon ay maituturing kong panibagong paraiso. Dahil sa siya ang ganap na pumanday sa aking karunungan at nagbigay ng sapat nakakayahan at lakas sa aking dati ay nanghihinang mga pakpak upang makalipad at pumailanglang sa alapaap, humubog sa aking pagkatao at pananaw sa buhay, nagbigay ng karampatang dahilan upang ipagpatuloy ang karera ng buhay.
            Tunay nga na nakalulungkot na sa ngayon ay kinakailangan kong lumisan sa paraisong akin nang nakasanayan upang magkaroon ng panibagong kabanatana ng aking buhay. Sa paraiso kung saan ay naranasan ko ang makipagpahabaan ng pisi dahil sa dami ng mga ginagawa at mga pagsubok na sadyang nakapanghihina nang loob. Sa paraiso kung saan narasan ko ang mag-isa at sabihin sa aking sarili na dapat kong tumayo sa mga sarili kong paa upang maipakita sa lahat na mayroon akong naisin sa buhay. Sa paraiso kung saan ay nakasalamuha ko ang iba’t ibang uri ng mga tao na nagbigay sa akin ng sapat na kakayahan upang makipagsabayan sa agos nang buhay sa kabila nang pagbabago-bago nito. At higit sa lahat sa paraiso kung saan ay nakilala ko ang mga taong nakaagapay, naging katuwang at nagbigay sa akin ang inspirasyon upang makamtam kung ano man ang nakamit ko sa puntong ito ng aking buhay. Ang mga taong ito na aking binibigyan ng tuon ay ang ISPIRIBAMBAM sa katauhan nina Ange, Gellie, Mayet, Grace, Noreen, Jenica at Kristine. Ang ISPIRIBAMBAM na nakasama ko sa lahat ng plano na magpupuyat para gumawa ng proyekto subalit paglipas ng gabi ay namumugto ang mata dahil nabusog ang mata sa tulog at higit sa lahat ay nakasama ko sa mga lakwatsa na nagbigay ng pahinga sa akin sa mga panahong nais nang bumigay ng aking katawan. Mga naging kasamahan ko sa KONSEHO NG MGA MAG-AARAL SA KOLEHIYO NG EDUKASYON na nagdulot ng malaki sa aking pagkatao. Sila ang mga nakasama ko sa pagtuklas sa aking kakayahan sa pakikisalamuha sa iba’t-ibang uri ng tao na may kani-kaniyang pag-uugali at interes sa buhay. Mga kaibigang kabahagi ng DAMBANA na nagpakita ng tunay na kulay ng aking pagkakakilanlan. Silang lahat ang maituturing kong kayamanang hindi matatapatan ng alinmang material na bagay.
            Ngayon ay darako na ako sa isang panibagong bahagdan ng aking buhay. Subalit ang paraisong aking lilisanin ay hinding hindi mawawala sa aking pag-iisip. Ito ay makikiisa sa mga lugar na aking napuntahan na nagdulot sa akin ng lubos na kasiyahan.
            Ito ang tunay na paraiso. Paraisong maituturing na hindi mababaw at hindi nagtataglay ng literal na katangian subalit ganap na nagpakita sa akin ng tunay na hitsura ng mundo.