Monday, April 18, 2011



“ NATATANGING PAMANA”
Ni: Darhyl John B. Cacananta


        Bawat indibidwal ay may sariling pangarap na nais maabot, nais makuha at mapatunayan. Ngunit sa pagsasakatuparan ng mga ito, kinakailangang nating makibaka at makipaglaban hindi sa pamamagitan ng dahas kundi sa pamamagitan ng talino, abilidad at pagpupunyagi. Tunay nga na ang buhay ay puno nang kumpetisyon. Ito man ay sa larangan nang pag-ibig, trabaho at higit sa lahat sa pag-aaralan. Dulot ng kumpetisyong ito, may mga taong nanalo at natatalo. Gayun din naman sa pagsasakatuparan natin nang ating pangarap maaari tayong manalo o di kaya naman ay matalo.

       Ngunit ano nga ba ang unang hakbangin na dapat nating gawin at isagawa upang ganap tayong magtagumpay kapag natapos na tayong lumakad sa daang puno ng pagsubok at suliranin sa ating buhay? Ito ang tanong sa aking isipan nuon, na marahil ay katanungan din sa inyo sa ngayon. Mga kaibigan, ako ay naniniwala na ang bawat isa atin na naririto ngayon ay may sariling pangarap na nais maabot at maisakatuparan sa hinaharap na panahon. Makuhang propesyon na mamahalin at pahahalagahan niya sa tanan nang kaniyang buhay. At higit sa lahat, bawat isa sa atin na naririto ngayon ay may nais na mapatunayan hindi lamang sa kaniyang sarili kundi maging sa lahat ng taong nakapaligid sa kaniya.
Edukasyon mga kaibigan. Edukasyon lamang ang tanging susi upang magkaroon tayo ng ganap na tagumpay. “Edukasyon ang solusyon” sabi nga ng dating kalihim ng kagawaran ng edukasyon na si Jesli A. Lapuz. Sapagkat marahil ay nakikita niya kung gaano kalaki ang nagiging epekto ng edukasyon sa buhay ng isang tao. Dahil sa pamamagitan ng edukasyon ay nagagawa nitong baguhin ang takbo ng buhay ng isang tao. Mula sa pagiging aba tungo sa karangyaan, mula sa kawalan tungo sa kasaganahan at higit sa lahat mula sa pagiging mangmang tungo sa pagiging intelekwalisado na siyang pinakamagandang dulot ng edukasyon sa buhay ng isang tao. Sapagkat sinuman ay hindi magagawang nakawin ang kaalamang nasa ating na dulot ng edukasyon. Alin mang kaalaman ang naiimbak na sa ating isipan ay dadahil na natin panghabangbuhay. Walang sinuman ang makakakuha nito, sapagkat ito ay maituturin nating kayamanan. Ito ay ilan lamang sa mga maaaring maging dulot ng edukasyon sa buhay ng isang tao mga kaibigan.

       Tunay nga na kaysarap dinggin na ang mga tao ay sinasabing ang taong iyan ay isang edukado o edukadang tao. Subalit hindi nila natatalos ang hirap na pinagdaanan ng isang estudyante bago nito makamit ang diploma ng kaniyang paghihirap na siyang tanda ng kaniyang pagtatapos. Maging ang paghihirap ng mga magulang na kanilang pinagdaanan mapagtapos lamang ang kanilang anak.
Mga kaibigan ang pag-aaral ay isang napakahirap na laban sa ating buhay. Ngunit ito ay magbubunsod satin ng napakaraming bagay. Hindi lahat tayo ay may kakayahang mapag-aral ng kaniyang mga magulang. Karamihan ay hapos iginagapang lamang ng kanilang mga magulang upang makapag-aral. Mga kaibigan ako ay isang halimbawa ng mag-aaral na iginagapang ng mga magulang upang makapag-aral lamang. Kung minsan ay kinakapos sa pera at kung minsan naman ay sapat sapat lamang. Ang aking ama ay kayod kabayo sa pagtaguyod sa aming mga mag-kakapatid. Kayat saludo ako sa aking ama. Alam ko na kung minsan ay napapagod at nahahapo siya. Ngunit hindi niya ito alintana bagkus ay patuloy siya sa paggawa upang makalikom lamang ng perang maipapadala sa aming ina.

       Mga kaibigan alam ko na katulad din ng mga magulang ninyo ang aking mga magulang. Marami na silang mga sakripisyong ginawa. At dahil sa mga sakripisyong ito ay nakarating tayo sa kung alin man ang narating at nakamtan na natin sa kasalukuyan. Sila ang naghubog at gumabay sa atin upang maging mabuti tayong tao. Sila ang umalalay sa atin sa pag-aaral nating maglakad. Nagpuyat, masiguro lamang na mahimbing ang ating tulog, nagpalit nang ating lampin sa tuwing ito ay mababasa ng ating ihi. At higit sa lahat ay nag-alala sa atin sa tuwing gabing uuwi tayo na ang oras ay malalim na. Ilan lamang iyan sa mga sakripisyong ng ating mga magulang. Mga sakrisyong hindi matatawaran at nagawa nila dahil sa lubos na pagmamahal nila sa atin.
Hindi lahat ay nabibiyayaan ng mga magulang na handang magsakripisyo para lamang sa kaniyang anak. Ang ilan ay minamalas at sa mura nilang edad ay nagbabanat na sila ng kanilang mga buto upang kumita ng pera. Ang ilan din naman ay maagang nauulila at kinukop lamang ng kaniyang natitirang mga kapamilya at ang masakit pa ang ilan kung minsan ay inaalipusta ng kanilang mga magulang.
       
       Kaya napakapalad natin mga minamahal kong kaibigan sapagkat tayo ay naririto ngayon at pinag-aaral sa pamantasang ito ng ating mga magulang. Nawa ay huwag nating sayangin ang pagkakatoon at tyansang ipinagkaloob sa atin ng ating mga magulang upang isakatuparan ang ating mga pangarap at naisin sa buhay. Huwag natin silang bibiguin bagkus ay bigyan natin sila ng dahilan upang maging masaya at maipagmalaki nila tayo sa iba dahil sa kung ano ang ating ginawa, narating at nakamtan. Parati natin silang alalahanin sa tuwing gagawa tayo ng hakbangin o desisyon sa ating buhay. Sapagkat sila ang dahilan kung bakit tayo namukadkad at nagawang mabuhay sa mundong ibabaw. Mundo kung saan ay puno ng pagsubok, pighati at higit sa lahat saya. Ang lahat ng ito ay dahilan kung bakit makulay ang buhay natin. Ang magulang din natin ang ating kanlungan at takbuhan sa tuwing tayo ay may problemang kinakaharap. Huwag nating gayahin ang mga mag-aaral na nakita na nating hindi nakapagtapos dahil sa parerebelde sa kanilang mga magulang, nabuntis at nag-asawa ng maaga dahil sa kanilang palagay ito ang magiging solusyon sa kanilang kasalukuyang problema. Huwag mga kaibigan…huwag.

       Nakalulungkot isipin na may mga mag-aaral na hindi alam isaalang-alang ang kanilang mga magulang. Sinasamantala nila ang kabaitan ng kanilang mga magulang. Hindi nila natatalos na darating ang araw sila rin ang maghihirap at aani ng ginawa nilang kapabayaan sa kanilang mga buhay.
  
       Kayat mga kaibigan nawa ay naliwanagan na kayo kung ano ang unang hakbangin na dapat nating gawin upang magkaroon tayo ng ganap na tagumpay. Ang magkaroon ng pagpapahalaga sa edukasyon. Magkaroon ng pagnanais na makapagtapos at magkaroon ng edukasyon. Sapagkat sa pamamagitan nito ay nagagawa nating maging masaya at nabibigyan natin ng dahilan ang ating mga magulang upang ipagmalaki tayo sa iba. Sapagkat ito ang natatanging pamana na magigng solusyon upang makaahon tayo sa pitak nang kahirapan sa buhay at iwan ang pagiging mangmang sa maraming bagay. At higit sa lahat sapagkat ito ang natatanging pamanang maiiwan sa atin ng mga magulang na kahit sino ma’y hindi magagawang nakawin ito sa atin.

No comments:

Post a Comment