Monday, April 11, 2011

IPAGPATULOY
Ni: Darhyl John B. Cacananta 

Napakabigat ng kanyang mga paa…
Damang-dama ko sa bawat hakbang niya
Ang luhang nalaglag, sa sahig ay kanya.
Natitiyak ko iyon dahil nasilayan ko kanina.
Malamig ang paligid
Umaga pa lamang
Ngunit sa mga mata niya
Kitang kita ang karimlan.

Gaano nga bang kirot na kanyang nadarama?
Gusto kong lumapit at sabihing “tahan na”
Aluin baga ang kanyang damdamin
Ipaalala sa kanyang may bukas na paparating
Hanggang sa nagpatuloy siya sa paghakbang
Ang mahabang daan ay ‘di manamnam
Marami sila ngunit ang lahat ay nag-iisa
Mayroong mga luhang patuloy ang daloy sa kalsada



Gusto kong bawasan
Ang kanilang lungkot
Ngunit hindi na maari pa ang gayon
Wala na akong magawa kundi ang sila’y panoorin
Tiisin ang kirot ng pusong naninimdim.
Gusto kong lumapit sa bawat isa sa kanila
Yakapin at sabihing “patawarin nyo sana”
Sa lahat ng pagkukulang na aking nagawa
O mga pagkakamaling akala
Ko’y pwede pang itama
Kaawa-awa ako at hindi sila
Napakaraming panahon ipinagwalang bahala ko na.

Ang dami kong gustong sabihin
Ngunit paano?
Mayroon ng salaming saki’y nagkulong
Ang mga bulong ko’y
hanging lang ang nagkakanlong
Ganito pala pag nasa loob ng kabaong
Wala ng madinig kundi mga dagundong
Iyak na palahaw, ng mga nagmamahal
Na noong buhay naman ako ay di ko minahal.

Nakalulunos pala ang ganitong pangyayari
Kamatayan ko ay hindi ko nalimi
Nabigla ang lahat at walang nagawa
Sa oras na ito, ay wala na nga…wala!
Ngunit hiling ko ay IPAGPATULOY nila
Dahil ang mabuhay sa mundo ay talagang maganda. !

No comments:

Post a Comment