Friday, July 5, 2013

ANG BAGONG PARAISO



Nanunuyo itong labi,
Kaba sa dibdib di mabili,
Iniisip kong mabuti
Kung buhay ba’y madali.

Sa loob ba ay makulay,
Ang ligaya ba ay taglay,
Sa kabila ng maunlad
At masaganang larawan.

Iyan nga ang naranasan
At tanong saking isipan,  
Nang una kong pinuntahan
‘Tong lugar na ngayo’y tangan

Tunay na hindi nagkamali
Dahil Marciano’y pinili
Na saki’y magkakandili
Kaya’t pangako ko’y sukli.


Paraisong matuturing
Lugar na ngayon ay sakin
Pagkat mga guro’y masayahin
At sadyang matutulungin.

Bagaman hindi madali
Ang makapaglayag muli,
Akin paring susubukin,
Landas pilit lalakarin.
 
Kaya’t aking hinihiling
Paggabay ay mapasakin
Kalakasan ay taglayin

Pagpapala’y tamasahin. 

Friday, February 15, 2013


“Si Digong Dilaw”
Ni Darhyl John B. Cacananta

            Malamig at malinis na hangin, malinaw na tubig sa batis, maiingay na sigawan na huni ng mga ibon at iba’t ibang hayop ang iyong mailalarawan sa lugar na pinaninirahan ng pamilya ni digo. Payak lamang ang uri ng kanilang pamumuhay doon nagtatanim sila ng gulay, nangingisda at nangangaso naman sa tuwing nagsasawa na si digo sa mga gulay bilang pagkain.
            Bagaman karamihan sa mga pagkaing nakukuha ng mga magulang ni digo sa gubat ay gulay at isda. Ang karne ng ibat-ibang hayop ang kaniyang paboritong kainin. Kaya’t kung minsan ay pinapalo siya ng kaniyang tatay sapagkat kung walang huli ang kaniyang tatay at tanging gulay at isda ang inihain sa hapagkainan ay hindi kumakain si digo. Bukod pa rito ay hindi rin tumutulong sa gawaing bahay si digo. Pakikipaglaro lamang sa kapitbahay ang kaniyang ginagawa sa loob ng maghapon. Mahilig din si digo sa mga dilaw na bagay tulad ng dilaw na tsinelas, damit at maging sa mga pagkaing dilaw ay mahilig din siya at ilan sa mga ito ay ang kalabasa, papaya, hinog na mangga at marami pang-iba.
            Isang araw habang siya ay natutulog, nagulat na lamang siya sa pagmulat ng kaniyang mga mata ay puro dilaw na ang kulay ng kaniyang paligid at ang lahat ng kaniyang mahawakan ay nagiging dilaw na rin. Ganuon na lamang ang lakas ng iyak at sigaw niya palayo ng kaniyang bahay. Nang marating niya ang pusod ng kagubatan ay labis na lamang ang kaniyang hilakbot sa sarili sapagkat ang lahat ng puno, halaman at mga hayop na kaniyang nadadaanan ay naging dilaw din. Dahil sa labis na pagod ay napaupo siya sa ugat ng isang punong mulawin. At habang duon ay namamahinga isang  malamig na himig ang bumulalas na tila boses ng isang ingkantada at sinabing
“ Digo…Digo… ang lahat ng ito ay iyong mararanasan kung magpapatuloy ka parin sa pagiging tamad at hindi pagkain ng mga gulay.”
Ganuon na lamang ang pasasalamat ni digo ng malamang ang lahat ng kaniyang karanasan ay isang panaginip lamang at magmula nuon ay kinakain na ni digo ang iba’t ibang uri ng gulay at higit sa lahat tumutulong narin siya sa gawaing bahay.  

Thursday, September 13, 2012




Sino nga ba ako, 
Ako na patuloy na  naghihintay 
At umaasang mahalin mo,
Ako na sa tuwing sasapit ang gabing mapanglaw 
Tanging larawan mo lang ang aking tinatanaw. 

Sino nga ba ako, 
Ako na ang tanging hangad ay ang kaligayahan mo 
At patuloy sa pag-unawa sa mga pagkukulang mo, 
Ako na laging kampante at naghihintay na masuklian mo
Nang kahit kaunting baryang mula sa puso mo 
Ang laksa-laksang pagmamahal na binigay ko na sa iyo. 

SINO NGA BA AKO? 

Sunday, April 29, 2012



“Estranghero”
Ni: Darhyl John B. Cacananta
“Kailangan mong unawain na ang lahat ng taong nakasama mo ay maaaring manatili sa iyong puso subalit hindi sa iyong tabi”
            Ito ang salitang pilit bumitaw sa aking mga bibig upang mahimasmasan ang aking kaibigan. Isang taon na rin ang nakaraan ng aming nilisan ang lupain ng Maynila kung saan naganap ang mahika ng pag-ibig sa pagitan ng aking kaibigan at nang isang hindi kilalang lalaki. Istranghero kung aking tawagin ang lalaking iyon.
            Araw nang lunes aming tunungo ang lugar kung saan ay nakatakdang paggugulan namin ng aming bakasyon ng aking kaibigan. Sinadya naming iwan ang kaniyang pinipintakasi na walang ibang ginawa kundi ang magbantay sa lahat ng kaniyang ginagawa at maging ang pagkaing isusubo niya sa kaniyang bibig. Nagawa namin ito dahil nais namin na maranasang muli ang saya at walang humpay na paghalakhak bilang magkaibigan tulad ng kami ay mga bata pa lamang. Buong akala ko ay iyon ang magaganap sa pagitan ko at nang aking kaibigan.
            Subalit unti-unti itong nagbago magmula ng kami ay nagtsek-in sa isang hotel na hindi naman kamahalan. Dito ay nakilala nang aking kaibigan ang isang lalaking nagmula rin sa probinsya na ayon sa kanya ay nagbabakasyon din sa naturang lugar. Dahil nuon lamang siya napunta sa maynila ay hindi pa niya kabisado ang mga pasikot-sikot sa lugar. Ang aking kaibigan ang naging gabay nang lalaking ito.
            Isang araw, nagkayayaan kami nang aking kaibigan na maglibot kasama ang istrangherong lalaki. Tumunog ang telepono nang aking kaibigan na nasa aking bag. Ito ay ang kasintahan nang aking kaibigan na nagpupuyos sa galit dahil marahil ito sa hindi namin paghingi ng paalam sa kanya bago kami pumunta ng maynila. Ito ang naging dahilan kung bakit pinili nang makipaghiwalay ng aking kaibigan sapagkat masyado na siyang nasasakal ayon sa kanya.
            Wala akong ibang magawa kundi ang suportahan ang hakbang na ginawa ng aking kaibigan. Alam kong masakit para sa kanya ang makipaghiwalay dahil iyon ang lalaki na naging kasintahan niya sa mahabang panahon.
            Magkaganuon pa man, habang lumilipas ang mga araw ay lalong nagiging masidhi ang pagsasama nang dalawa. Napaghahalata kong tila ba lalo nilang nakikilala ang bawat isa habang tumatagal. Naikwento pa nga ng kaibigan ko na kaya pala napadpad sa maynila ang lalaking iyon ay dahil  ninais niyang makapag-isip-isip sapagkat ang kaniyang kasintahan ay nagnanais nang magpakasal subalit sa kaniyang palagay ay hindi pa siya handa.
            Dumating ang kaarawan ng aking kaibigan at niyaya ako ng istrangherong lalaki upang bumili nang panregalo sa aking kaibigan. Pumasok kami sa isang pwesto na naglalako ng damit, sapatos at mga kolorete sa katawan dahil mahilig sa mga ganuong bagay ang aking kaibigan kung kaya’t iyon ang naisip namin na ibigay sa kaniya. Habang ako’y aliw na aliw sa pamimili ay nakita kong may kausap na babae ang aking kasama. Tila napakalalim ng kanilang nang kanilang pinag-uusapan kaya pinasya ko ang magpatuloy sa aking ginagawa.
            Sinubukang ko ang magtanong habang kami ay pauwi na sa hotel kung saan ay naroroon at naghihintay ang aking kaibigan.
            “Sino ang babaeng nakausap mo kanina.” Pag-uusisa ko.
            “Ah! Iyon bang kausap ko kanina habang tayo ay nasa pamilihan ng damit, hmp… isang kaibigan hindi ko kasi inakala na narito pala siya sa maynila.” Pagpapaliwanag niya.
            Magmula nuon ay hindi na ako muling nagtanong tungkol duon. Nalaman ko nalamang na ang kasintahan nang istrangherong lalaking iyon ay nagpakasal na rin sa ibang lalaki. Kung kaya’t ganuon na lamang ang kanyang lungkot na nadama.
            Ngunit sa kabila nang lungkot na nadama nang aking kaibigan at nang istrangherong lalaki ay unti-unti itong nabago habang tumatagal. Tila hindi na yata gabay na lamang ang silbi nang aking kaibigan sapagkat madalas silang lumalabas at naglilibot sa luneta nang silang dalawa na lamang. Minsan nga ay pinipili ko na lang ang maiwan dahil nagmumukha akong tyaperon kapag kasama ako.
            Nagulat na lamang ako sa aking nakita nang inihatid ang aking kaibigan sa pintuan nan gaming kwarto at nagdampi ang kanilang mga labi. Sa puntong iyon ay lubos ko nang naunawa na sadyang hindi na mapipigilan ang kanilang mga damdamin sa naisin nila sa isa’t-isa.
              Bumilis ang mga araw at umamin na rin ang aking kaibigan na tila ba bibigay na ang kaniyang puso at mahuhulog na siya. Magmula nuon ay lagi na lamang akong naiiwang mag-isa sapagkat palaging ang dalawang iyon ang magsama at madalas din silang magkasabay na kumain. Sa paglipas ng mga araw ay lalong naging masidhi ang damdamin ng dalawa sa isa’t-isa at sa aking palagay ay naging sila na. Ang bawat sandali sa kanilang dalawa ay tila isang pagkakataon na pahahalagahan at mamahalin ng isa’t-isa, walang materyal na bagay ang makahihigit o makatutumbas man lamang dito.
            Isang gabi ay naungkat sa usapan ang pagpapakasal ng kasintahan ng istrangherong iyon sa babaeng kaniyang kasintahan. Sinabi niya na kung magkakaroon ng pangalawang pagkakataon upang mapakasalan ang babae na kaniyang nais pakasalan ay gagawin na niya iyon ng walang pagdadalawang iysip. Masakit para sa aking kaibigan na marinig ang ganuon subalit wala siyang magagawa dahil iyon ang tulay na dinidikta ng puso ng lalaking istrangherong iyon.
            Araw nang martes nang kami ay maglibot sa gilid nang manila bay. Sa isang dako ng manila bay ay ninais naming magpakuha ng larawan. Subalit ganuon na lamang ang aming pagkabigla nang muling magkita ang babaeng nais pakasalan nang istrangherong lalaki at sa sandaling iyon ay hindi ninais na mang-agaw ng atensyon ng aking kaibigan bagkus ay binigyan namin sila nang pagkakataon.
            Parang itinarak ang punyal sa aking puso nang marinig naming dalawa nang aking kaibigan ang kanilang pag-uusap.
            “Bakit ka naririto nasaan ng iyong asawa sapagkat may nakapagsabi sa akin na ikaw ay nagpakasal na?” pag-uusisa nang istrangherong lalaki.
            Sa puntong iyon nang kanilang pag-uusap ay nais ko nang takpan ang aking mga taenga upang hindi madinig ang tugon ng babae na nasa aming harapan. Subalit tila isang matatag  na batong hindi matitinag ang tindig nang aking kaibigan kung kaya’t masakit man sa aking pakiramdam ay nagpakatatag din ako. Para sa kanya.
            “Totoo ang balitang iyong natanggap. Subalit napag-isip-isip kong hindi tama na magpakasal ako sa taong kailanman ay hindi ko ninais na mahalin. At humantong ako sa desisyong… kung magpapakasal ako ay sa mahal ko na.” isang malungkot na mukha ang isinambulat sa amin ng babaeng nakatindig sa aming harapan habang sinasabi ang mga salitang iyon. Ang sumunod na tagpo ay sadyang napakasakit. Niyakap nang istrangherong lalaki ang babaeng naluluha na at sinabing “handa na ako at mahal parin kita, atin nang bigyang buhay ang ating mga pangarap”
             Pagkalipas marinig ang salitang iyon nang aking kaibigan ay hindi na niya na tagalan pa ang pag-alis. Tumakbo siya palayo sa dalawa, agad ko siyang sinundan at dinamayan sa pagluha. Tunay nga na napakasakit nang nangyari sa aking kaibigan magkagayon paman ay sinubukan siyang kausapin ng istrangherong lalaki subalit hindi na siya pinakinggan pa ng aking kaibigan at sinabi na lamang ang salitang “wag kang mag-alala at ayos lang ako.” habang mabilis na tumatakbo palayo.
            Hindi na ninais magkalinawan ang dalawa. Ang aking kaibigan na lamang ang siyang kusang lumayo at dumistansya.
            “Ninais ko ang lumayo at hwag nang magkaroon ng pagpaliwanag sa isa’t-isa dahil malinaw na sa akin ang lahat. Sabagay nga naman ay pawang bakasyon lang ang pakay namin dito sa maynila. Nagkaroon man nang masaya pangyayari sa pagitan niya at ako iyon ay magiging ala-ala na lamang. Tama ang aking disiyon na hwag naming sabihin ang pangalan ng isa’t-isa upang magkaroon upang sa pagdating nang panahon na sila ay nasa kani-kanilang probinsya na ay wala silang alalahanin tungkol sa kung anung kwento ang naganap sa kanila habang sila ay nasa maynila pa lamang. Sapat na ang kaniyang pagiging ESTRANGHERO na minsan ay nagpasaya ngunit tumalikod nang nakita ang kaunting oportunidad sa iba. Sadyang masakit ang maranasan na ikaw ay talikuran ng taong iyong inaasahan subalit walang mangyayari kung ilulugmok ko na lamang ang aking sarili sa isang tabi. Nakaya ko ang mamuhay nuon kahit wala siya sa paningin ko at iyon ang ibabalik ko sa ngayon” Naghihinagpis na tugon sa akin ng aking kaibigan nang tanungin ko siya kung bakit hindi niya pinabayaang magpaliwanag ang estrangherong lalaking iyon. Wala na akong naitugon sa kaniyang sinabi. Ang tanging inintindi ko na lamang ay ang kaniyang damdamin na nangangailangan ng pagdamay.
            Bakit na kaya may mga taong sadyang oportunista at manggagamit? Kung kailan ka nila kailangan ay saka lamang sila lalapit at manghihingi nang awa at sa panahong matugunan mo na kung ano ang kanilang kailangan, bakit kaya unti-unti na lamang silang gagawa nang paraan upang makaalis hindi ka na lamang papansinin? Kapag ikaw ay nasaktan, bakit kinakailangan na sila ay magkunwaring manhid at para bang walang nangyari? Hay…tunay na kahirap maunawa. Magkaganuon pa man ang mahalaga sa ngayon ay alam ko na kung kailan ka dapat lubos na magtiwala at magbigay ng lubos na atensyon sa mga bagay-bagay. Kung ano ang dapat na pagtuunan nang pansin at dapat na laruin. Kung ano ang dapat pag-aksayahan ng panahon at gawing pampalipas oras. At ang pinakamahalaga sa lahat na aking natutunan, kung saan ay nasabi ko rin sa aking kaibigan na “Kailangan mong unawain na ang lahat ng taong nakasama mo ay maaaring manatili sa iyong puso subalit hindi sa iyong tabi”

Monday, April 23, 2012



“PARAISO:Lunan ng pakikibaka, pagpapakasakit at tagumpay”
Ni: Darhyl John B. Cacananta
            Paraisong matatawag ang isang lugar kung ito ay nagtataglay nang maganda tanawin na nakaiingganya ng paningin. Dagdag pa rito ang paligid na nakagiginhawa sa pakiramdam at masasabing malayo sa kapahamakan. Luntiang kulay ang karaniwang tinataglay ng isang paraiso na dulot ng iba’t ibang uri ng mga halamanng nakalambitin sa mga puno o di kaya naman ay nakaugat sa lupa. Ngunit ito ay literal na pagpapakahulugan sa tinatawag na salitang paraiso. 
            Subalit sa iyong sariling pananaw ano nga ba ang salitang paraiso? Nararapat ba nating sabihin na ang tao ay may kani-kaniyang Paraiso?
            Ang mga tanong na ito ang nais kong bigyang tuon. Sapagkat sa aking sariling karanasan sa pagtahak sa landas ng aking buhay ay masasabi kong ang isang paraiso ay hindi mo sasabing paraiso sa pamamagitan lamang ng pagsulyap dito. Ang paraiso ay hindi lamang nakatuon sa mga palamuting nakakalat sa lugar na iyon kundi maging ang lahat ng detalyeng kumakatawan sa isang lugar.  Pasasabi mong paraiso ang isang bagay kung naranasan mo ang maglagi rito.
            Ang lugar na aking pansamantalang lilisanin sa ngayon ay maituturing kong panibagong paraiso. Dahil sa siya ang ganap na pumanday sa aking karunungan at nagbigay ng sapat nakakayahan at lakas sa aking dati ay nanghihinang mga pakpak upang makalipad at pumailanglang sa alapaap, humubog sa aking pagkatao at pananaw sa buhay, nagbigay ng karampatang dahilan upang ipagpatuloy ang karera ng buhay.
            Tunay nga na nakalulungkot na sa ngayon ay kinakailangan kong lumisan sa paraisong akin nang nakasanayan upang magkaroon ng panibagong kabanatana ng aking buhay. Sa paraiso kung saan ay naranasan ko ang makipagpahabaan ng pisi dahil sa dami ng mga ginagawa at mga pagsubok na sadyang nakapanghihina nang loob. Sa paraiso kung saan narasan ko ang mag-isa at sabihin sa aking sarili na dapat kong tumayo sa mga sarili kong paa upang maipakita sa lahat na mayroon akong naisin sa buhay. Sa paraiso kung saan ay nakasalamuha ko ang iba’t ibang uri ng mga tao na nagbigay sa akin ng sapat na kakayahan upang makipagsabayan sa agos nang buhay sa kabila nang pagbabago-bago nito. At higit sa lahat sa paraiso kung saan ay nakilala ko ang mga taong nakaagapay, naging katuwang at nagbigay sa akin ang inspirasyon upang makamtam kung ano man ang nakamit ko sa puntong ito ng aking buhay. Ang mga taong ito na aking binibigyan ng tuon ay ang ISPIRIBAMBAM sa katauhan nina Ange, Gellie, Mayet, Grace, Noreen, Jenica at Kristine. Ang ISPIRIBAMBAM na nakasama ko sa lahat ng plano na magpupuyat para gumawa ng proyekto subalit paglipas ng gabi ay namumugto ang mata dahil nabusog ang mata sa tulog at higit sa lahat ay nakasama ko sa mga lakwatsa na nagbigay ng pahinga sa akin sa mga panahong nais nang bumigay ng aking katawan. Mga naging kasamahan ko sa KONSEHO NG MGA MAG-AARAL SA KOLEHIYO NG EDUKASYON na nagdulot ng malaki sa aking pagkatao. Sila ang mga nakasama ko sa pagtuklas sa aking kakayahan sa pakikisalamuha sa iba’t-ibang uri ng tao na may kani-kaniyang pag-uugali at interes sa buhay. Mga kaibigang kabahagi ng DAMBANA na nagpakita ng tunay na kulay ng aking pagkakakilanlan. Silang lahat ang maituturing kong kayamanang hindi matatapatan ng alinmang material na bagay.
            Ngayon ay darako na ako sa isang panibagong bahagdan ng aking buhay. Subalit ang paraisong aking lilisanin ay hinding hindi mawawala sa aking pag-iisip. Ito ay makikiisa sa mga lugar na aking napuntahan na nagdulot sa akin ng lubos na kasiyahan.
            Ito ang tunay na paraiso. Paraisong maituturing na hindi mababaw at hindi nagtataglay ng literal na katangian subalit ganap na nagpakita sa akin ng tunay na hitsura ng mundo.  

Tuesday, December 27, 2011

                     
   “KAYLAN MAN AY HINDI KO INAKALA…”
   Ni: Darhyl John B. Cacananta

“ang lahat ng bagay ay may magandang dahilan…”
Ang salitang ipinahayag kong ito marahil ang salitang maaari kong maibubulas at maibigay na salita sa aking sarili sa tuwing aking iniisip kung bakit naganap ang lahat ng magaganda at makabuluhang pangyayari sa aking buhay kasama ang mga kapwa ko opisyales ng CED-SC.

Tunay na mahirap sapagkat kaylangang pagsabayin ang pag-aaral at ang responsibilidad bilang isang LIDER…at bahagi nang pagiging isang istudya at lider sa MAGKAPAREHONG PANAHON ang pagliban sa mga kasiyahan kasama ang mga kaibigan sapagkat kaylangang paghandaan ANG ibang bagay na mas importante kaysa sa MAGLAKWATSA AT MAGSAYA PANSAMANTALA…

Ngunit magpasaganuon pa man ay  NAGING MASAYA ako dahil nakilala ko si ANNALYN GACUTAN na nagsilbing kaagapay ko sa paghikayat sa mga batang kabahagi n gaming PAMILYA upang magkaroon ng dedikasyon sa paggawa ng mga trabahong nakaatang sa kanilang mga  BALIKAT. FREND alam ko na masakit para sa iyo ang nangyari kaylan lang pero naniniwala ako na kaya mong pagtagumpayan iyan…

Si GEMIMA PASCUA na nagsilbing imahe ng KAHINHINAN sa kabila ng mga hirap ka kaniyang dinadanas dahil sa mga gawaing nakalaan para sa kanyang posisyon. GAMZ alam ko na malaki rin ang nagbago sa iyo sabi ko naman sa iyo magiging masaya tayo sa loob n gating PAMILYA. May mga pagsubok na susubok a iyong katatagan subalit huwag kang magpatalo bagkus ay gawin mo itong dahilan upang ipagpatuloy pa ang laban na mayroon sa iyo sa kasalukuyan…

Si JULIUS PRONTO na noong una ay takot na magkaroon ng lugar sa pamilya, alam ko na mayroon talagang bagay na kinatatakutan tayo subalit masaya ako dahil ang takot mo na magkaroon ng bahagi sa pamilya ay tinanggal mo. Natatawa na lang ako sa tuwing naiisip ko kung ano ang mukhang mayroon ka pagkatapos nang pangyayari na nkanasan niyo nila mean at sha. Tunay na natakot ka siguro subalit alam ko na makatutulong iyon sa iyo sa susunod pangpanahon sa iyong buhay dahil nagawang tanggapin iyon. Ipagpatuloy mo lang ang pagpaabot sa iyong mga pangarap…

Si BRIAN MEDINA na naging kaagapay ko maraming bagay, tunay na mahirap ipaliwanag subalit alam ko na alam mo rin brian kung bakit ninais ko na maging bahagi ka rin ng pamilya. Isa sa mga dahilan marahil ay dahil sa nakita ko rin kung ano ang mga kapasidad at kakayahan na magiging kapakipakinabang sa ating pamilya. Isa ka rin sa mga Kaibigan namaituturing ko,tunay na hindi tayo magsasabay nila annalyn subalit makakaya niyo yan sapagkat ang hamon ay bagay na magpapatibay sa ating lahat…

Si JAMES REY MATA na naging isa narin sa mga kabiruan ko at naghandog ng saya ating pamilya. MAMI salamat sapagkat sakabila ng mga pagkakaibang mayroon tayo ay nagawa mong makibagay sa lahat. Bilang kapwa mo ARTRES sa pelikulang AGAWAN BASE ipagpatuloy lng natin ang samahan na mayroon tayo upang patuloy nilang subaybayan ang mga tagpo sa ating pelikula…HANGAD KO ANG KABUTIHAN SA IYO AT SA IYONG PAMILYA…

Si JULIUS CUDIAMAT na siyang TAGAKABOG sa aming pamilya pa minsan-minsan patok ang mga kabog line mo … hahaha… alam ko na malayo ang iyong mararating at sa kabila ng uri nang pamilya na mayroon ka ngayon. Sinasabi ko sayo na manatili kang mabait at iwasan ang pagsagot sa… mo… alam mo na iyon mrahil.

Si SHARINA LAUREANO na kung minsan ay nakikita kong malungkot subalit masayahin… magkasalungat subalit nais ko lang linawin sa iyo sha na ang pangyayari na naranasan niyo nila Julius p. at mean ay parte ng pagiging bahagi ng ating pamilya… salamat dahil alam ko na mahirap ang uwian subalit pinipilit mo parin ang dumalo sa kabila ng sabon na ibinibigay sayo pag-uwi mo ng bahay. Ipagpatuloy mo lang ang iyong nasimulan at makararating  ka rin sa nais sa mong patunguhan…

Si JOHN DENVER LUQUIAS na isang napakamasayahin bahagi ng pamilya…sabi ko nga nakikita ko sa iyo ang aking sarili ng mga panahong nakalipas kung kaya’t nawa ay ipagpatuloy niyo ang ating nasimulan SUBALIT huwag kakalimutan ang dahilan kung bakit tayo nasa lugar kung nasan tayo… ANG MAG-ARAL. Kaya’t sa lahat ng bagay na gagawin mo isipin mong lagi ang maliit na salitang iyon at nasisiguro ko sa iyo na kakayanin mo mapagsabay ang lahat ng nais mong magawa …

Si JOSEPH VILLARAMA alam ko na mahirap ang pagsubok na mayroon ka ngayon subalit huwag kang papatalo bagkus ay magpatuloy ka sa pagtahak sa iyong landasin at abutin ang iyong mga pangarap sa buhay… natitiyak ko na kaya mong pagtagumpayan iyan… bilang pinakabata sa pamilya ikaw ang talagang tiniyak ko gabayan sapagkat nais ko na mahubog ka sa larangan na kinalalagyan natin sa ngayon. At hindi nga ako nabigo sapagkat hindi lamang dahil sa nais ko na mahubog kundi ikaw mismo ang gumawa ng paraan upang sa sarili mong paraan ang ay mangyari ang dati ay sinabi ko sa iyo… marahil ay alam mo na iyon…

Si Mary ANN MALLARI na itinuring kong katulad ng aking mga karanasan. Mean magkaiba tayo ng kalagayan subalit pareho ng nararanasan kung kaya nagkakaunawaan tayo… itinuring narin kitang kapatid na dapat ay gabayan tungkol sa bagay na alam mo na mean… alam ko na magiging masaya ka rin hindi man sa kanya kundi makakahanap ka rin tulad ng kaligayahang nahanap ko rin kamakailan lamang…basta kung may mga bagay na nagugulumihanan ka at kaylangan mo ng payo narito lang ako… HANDANG DUMAMAY AT SAKYAN ang pagiging EMO mo…

Si MARK GILL MERCADO na tunay na makulit at hindi ko mawari pero happy … alam ko na marami kang bagay na nais makamit sa buhay subalit ang masasabi ko lang sayo… HINDI BAWAL ANG MANGARAP subalit kaylangan mo rin na tukuyin kung ano ba talaga ang pinaka ninanais mo… sana ay gamitin mo ang lahat ng iyong natatagong kakayahan para sa ikauunlad ng lahat. Ipagpatuloy mo ang pagkilala sa kung ano ka at huwag hayaan na magkaroon ka ng sarili mong mundo.

Si CHRISTIAN GURTIZA na noong una ay talaga hindi ko nanakala na magulo rin pala ang akala ko dati maiilang ka subalit masaya ako dahil hindi mo inilayo ang iyong sarili bagkus ay ibinukas mo ang iyong sarili para sa ating pamilya. Hangad ko ang iyong kaligayahan kaya SUPPORT LANG AKO SAYO GURTIZA.

At higit sa lahat ang nakasasawa at nakauumay na pangalan KRISTINE BERNADETH FRANCISCO. Nakauumay at nakasasawa dahil simula ng tumungtong ako sa KOLEHIYO NG EDUKASYON ay lagi ko ng naririnig ang pangalan na iyon subalit magpasaganuon paman ay talagang hanga din ako sa iyo baduths dahl nakipagsabayan ka rin sa lahat ng bahagi ng pamilya natin at tinanggap mo ang pagkakataon na makasama ka namin sa pamilyang mayroon tayo ngayon. Alam ko na marami na tayong karanasan na magkasama dahil isa ka rin sa mga ISPIRIBAMBA.

 Nais ko rin na ipabatid ang walang mapagsidlang pasasalamat kay SIR FRANCIS ALBERT MENDOZA sa kaniyang walang sawang pag-agapay at pagsuporta sa amin. Nawa po ay magpatuloy kayo sa pagiging mabait, maunawain at maalalahanin. hangad po namin ang inyong kaligayahan sampu ng aming pamilya... 
        
       SALAMAT CED-SC OPISER 2011-2012 tunay na hindi matatawaran ang mga karanasan na naranasan nating magkakasama…kayo ay maituturing kong isa sa mga PINAKAMAHALAGANG KAYAMANAN NA MAYROON AKO! Kaya nga masasabi ko na talagang ANG LAHAT NG BAGAY AY MAY MAGANDANG DAHILAN… tulad nang bagay na pinagtagpo-tagpo tayong lahat para sa iisang layunin, ang mapaunlad hindi lamang ang ating sarili kundi maging ating kapwa…

Monday, December 26, 2011



“Magkabilaan ang mundo”
Ni Darhyl John B. Cacananta

“Pagkakaiba ay mayroon sa lahat.”
                Tama at mali, ilalim at ibabaw, liwanag at dilim, tubig at apoy, lupa at langit, malakas at mahina, mahirap at mayaman, may puti at may itim. Ilan lamang ito sa mga magkasalungat na parilalang nagpapakita ng pagkakaiba na binanggit sa loob ng kanta ni Joey Ayala. Sinasabi lamang ng kanta na may dalawang mukha ang mga bagay sa lipunan ng tao. At ang dalawang mukha na ito ay nakabatay sa iyo bilang isang kabahagi ng lipunan kung saan ka papanig at lulugar. Ito ba ay sa baluktot at marungis na gawain o di kaya naman ay sa tuwid, malinis ngunit iilan lamang ang pumipili.
                Pagkatapos kong maringgan ang mga sambitla na ipinahayag ng kanta ay natanto ko na ang kanta ay nakatuon sa pagpapakita ng panlahat na larawan sa ating buhay at maging ng ilan sa mga kalagayang kinatatayuan ng maraming mga Pilipino. Ito ay ang pagiging “API”.
                Panahon pa lamang ng mga mananakop ay tinawag nang api ang mga Pilipino. Sapagkat sila ay ginawang manggagawa sa sarili nilang lupa. Ang mga kastila, hapon at iba pang-banyagang lahi ay naglakbay patungo sa Pilipinas na kung tutuusin sana ay sila ang magmimistulang alipin sa ating lupain subalit hindi ito ang naganap.
                Tinawag na mga “INDIYO” ang mga Pilipino, inalipin, kinawawa at kinulong sa sarili nitong bansa.
                Subalit kung sasalaminin naman natin ang kalagayan natin sa ngayon, hindi na tayo masasabing “ALIPIN NG MGA BANYAGA”. Sapagkat malaya na tayo mula sa pang-aalipin ng alinmang lahi. Bagkus ay “ALIPIN NA TAYO NANG SARILI NATING MGA AMBISYON”. Ambisyon na umangat subalit kulang naman sa gawa. Sapagkat nakalulungkot man na isipin. Ang ating bansa ay nakabila 3rd WORLD COUNTRY na magsisilbing indikasyon na sa kabila ng pagpupunyagi ng ilan na tayo umunlad, kabaligtaran nito ang nagagap. Ito marahil ay dahil sa mga negatibong katangian ng mga Pilipino tulad ng NINGAS KUGON na sa umpisa lamang ang pagpupunyagi subalit sa paglipas ng panahon ay maghihinto sapagkat ang  katamaran ay gagana. BAHALA NA HABIT na nagpapakita naman ng kawalang kamalayan at pakialam ng mga Pilipino sa maraming bagay. At ang pinakamasaklap sa lahat ay ang laganap na KURAPSYON hindi lamang sa gobyerno kundi maging sa maraming bagay. Krimen at prostitusyon ay laganap rin sa lipunang Pilipino na magiging larawan ng pagka-alipin ng mga Pilipino sa kasamaan.
                Subalit magpasaganuon pa man ay ipinakita pa rin ng kanta na mayroon pa ring naghihintay na pag-asa sa kabila ng lahat. Sa kabila ng mga bagyo, pagsubok, pighati, kabiguan at pagkakasadlak na dinanas ng lipunang Pilipino ay mayroon pang naghihintay na MAGANDANG BUKAS. Ngunit magaganap lamang ito kung sa ngayon pa lamang ay mamimili na tayo ng dapat nating kalagyan. Ito ba ay sa kanan o kaliwa, sa tuwid o baluktot na gawa, sa malinis o marungis na sistema ng pamamalakad, sa masagana o naghihikahos na lipunan.
                Ang kanta ay nag-iwan ng hamon sa lahat ng makapapakinig nito. At nakabatay na lamang sa kaninuman ang pamimili. Sapagkat ang “Pagkakaiba ay mayroon sa lahat.” At nakabatay na lamang sa iyo kung saan ang mas maganda batay sa iyo.