Friday, July 29, 2011

Bakit Bawal ?
( Maikling kwentong salaysay )
Ni: Darhyl John B. Cacananta
“ Hindi mo ako pwedeng maging kasintahan pero hindi na ngangahulugang hindi kita minahal”.
Nakalulungkot ngunit sa ganitong paraan natuldukan ang kwento ng pag-ibig ng dalawa kong kaibigan. Kung babalikan ang kanilang nakaraan ay hindi mo iisiping ganuon nalang ang magiging katapusan ng kanilang pag-iibigan.
Bata pa lamang kami ay talagang sila na ang laging magkalaro, nagkakaintindihan at magkakampihan. Kung minsan nga ako ang kaaway nila at nakakaya nilang hindi ako pansinin sapagkat dalawa silang magkakampi. Ngunit habang tumatagal ay mayroon akong napapansin na parang mali. Marahil ay dahil sa bata pa kami at puro mga babae ang kaniyang mga kapatid.
Patuloy na lumipas ang panahon at lalong napatatag ang samahan ng bawat isa lalo nang nasa ikalimang baitang kami sa elementarya. Nagkaroon ng camping sa Casiguran Aurora sa hindi inaasahang pagkakataon ay nasira ang sinakyan naming bangka at napadpad sa isang isla na hindi matalos kung ano ang pangalan. Ang hinuha ng bawat isa ay kamatayan na nang lahat. Ngunit naging dahilan ito upang malaman ng dalawa kung sinu at anu nga bang pagkatao meron sila.
Sabila ng pangyayaring iyon ay pinilit parin ng isat-isa ang makabangon muna sa nakatatakot na karanasang iyon. Ang ilan ay nangakamatay at karamihan ay nagkasakit dahil sa labis na gutom na naranasan.  Masalimuot ang karanasang iyon para sa nakararami ngunit para sa dalawa ito ang naging mitsa ng kanilang pagmamahalan.
Pagmamahalang umusbong sa lugar kung saan nasubok kung gaano nga ba kahalaga ang isat-isa para sa kanila. Dito sila naging malaya at  walang takot na nasabi ang nararamdaman nila sa isat-isa. Alam nilang mali ngunit wala silang magawa dahil ito ang sigaw ng kanilang puso at damdamin. Sa katunayan nga ay mayroon pang tula na nalikha ang dalawa.
D - ahil sa mahal kita
A - lay ko ay pagsinta
R - umaragasang luha
H - ahaplusin pagnawala ka
Y - aong puso’y mawawala
L - alamunin na ng tadhana.

Napakaikling tula ngunit napakalalim ng kahulugang ipinahihiwatig. Ang pag-iibigan ng dalawang taong ninanais maging malaya at maipakita sa lahat na sila ay nagmamahalan. Ngunit hindi pala ganuon kadali ang lahat, sapagkat akala nila ay mauunawaan ng mga taong nakapalibot sa kanila ngunit isang pagkakamali pala ang kanilang inakala.

            Naging matamis ang mga araw na dumaan sa kanilang dalawa ngunit habang tumatagal ay tila mayroong isang bagay na unti-unting humahadlang at kadalasang nagiging dahilan kung bakit hindi nila maipamalas sa lahat ang kanilang pagmamahalan. Ito ang isang bagay na hindi nila maunawaan kung bakit ang mundo ay sadyang mapanghamon, mapanghusga at nanunudya. Hindi lang  ang kanilang katayuan ang naging hadlang kundi maging ang panahon kung saan hindi pa tanggap ng mga tao ang kanilang relasyon. Kaya wala silang ibang magawa kundi itago ito. 
            Lubos kong natalos at nasabing may relasyon nga silang dalawa ng dumating ang aking ikalabinwalong kaarawan at nagkaroon ng kaunting inuman. Sa aming bakuran habang ako ay nagliligpit ng mga gamit ay nakita ko sila sa isang sulok at mula sa kinatatayuan ko ay natanto kong mayroon silang bagay na pinag-uusaapan. Tila ba pigil ang tawa ng bawat isa na halos ayaw nilang may makaalam at makarining ng kanilang pinag-uusapan. Hanggang sa bigla silang tumahimik at ang mga salitang dapat sana ay magmula sa kanilang mga labi ay dumaloy sa kanilang mga ugat patungo sa kanilang isip na tila nag-uutos. Hindi nagtagal ang kanilang pananahimik at ako ay naging buhay na patotoo sa dahan-dahang paglapat ng kanilang mapupulang mga labi. Mula sa aking kinatatayuan ay nais kong lumubong at matabunan ng mga lupa.
            Hindi roon natatapos ang kwento ng dalawa kong kaibigan. Minsan ay mayroon kaming proyekto sa asignatura Filipino kung saan ay kinakailangan naming gumawa ng isang pagtatanghal. Upang mapaghandaan ito ay kinakailangan naming makitulog sa isa naming kamag-aral upang duon ay maging maganda ang aming pagtatanghal mula sa aklat ng Ibong Adarna. 
            Nagkaroon ng problema ang aming grupo sapagkat ang paaralang aming pinapasukan ay isang paaralan para sa mga lalaki lamang. Ang tauhan sa kwentong Ibong Adarna ay hindi puro mga lalaki lamang kaya wala gaganap sa papel bilang si Prinsesa Leonora. Kaya napagkasunduan ng grupo na magbunutan upang malaman kung sino ang gaganap bilang sa Prinsesa Leonora at Don Juan. Nagkataon na ang dalawa kong kaibigan ang mapalad na nagging si Don Juan at si Prinsesa Leonora.
            Habang nagsasanay kami ay nakita nanaman namin na ang dalawa ay nag-sasarili at parang may sariling mundo. Duon ay nagkakantahan sila habang magkahawak ang kanilang mga kamay. Natatandaan ko pa ang mga salitang iyon…
“ Dahil sa piling mo lagi kasaya ng aking puso para bang ako’y nasa langit na ang paligid ang ligaya. Ngunit kung ito ay panaginip ayoko ng magising ang pag-ibig ko’y patuloy at aaminin ko sayo SARANGHE.”
            Ito ay ilan lamang sa mga salitang natandaan ko, magkasabay na kinakanta ng dalawa ang kantang ito. Patok na patok ang kantang ito noon kung saan ay ginamit ang salitang SARANGHE na mula sa salitang korea at nangangahulugang MAHAL KITA. Kaya ganuon na lamang ang pagtataka ng aming mga kamag-aral.
            Dahil sa kaganapang iyon kumalat sa buong paaralan ang balita hanggang ito ay makarating sa kanilang mga magulang at pilit silang pinsaghihiwalay. Ito ang pinaka mahirap na pagsubok na kanilang naranasan patungkol sa kanilang pagmamahalan. Gusto nilang kumawala sa kamay ng kanilang mga magulang ngunit wala silang magawa sapagkat alam nila na mali ang ganuon.
            Sumapit ang araw ng aming pagtatapos. Nagulat ang lahat sapakat ang isa sa dalawang pinakamagaling sa klase ay hindi dumalo. Habang nagpapatuloy ang programa ng aming pagtatapos ay natatalos ko ang bahid ng kalungkutan sa mukha ng aking kaibigan sapagkat wala ang kaniyang pinakamamahal na naging katuwang at katulong sa pag-aaral. Kaya nga sila ang itinalaga bilang pinakamagaling na magtatapos ng taon na iyon dahil lagi silang magkasama at magkagrupo sa mga gawain sa paaralan. Akala ko ganun nalang talaga kasakit ang magiging katapusan ng pag-ibig ng dalawa.
            Subalit nagkaroon ng kaunting pagbabago ng sa kalagitnaan ng programa ay tumawag ang aking kaibigan at sinabing ilang oras nalang at lilipad na ang eroplanong kanyang sasakyan patungo sa ibang bansa at duon ay ipagpapatuloy niya ang kaniyang pag-aaral.
            Hindi sinayang ng aking kaibigan na nasa programa ang mga sandaling iyon. Hindi na niya hinintay na maisabit sa kanyang mga leeg ang medalya ng tagumpay bagkus ay kumaripas nalang ito ng takbo at tinungo ang paliparan kung saan naroon ang isa ko pangkaibigan.
            Pagdating namin sa paliparan ay akto nang tatayo ang aking kaibigan upang pumunta sa eroplanong kanyang sasakyan patungong ibang bansa. Muntik na naming hindi siya maabutan, ngunit mabait parin ang Diyos sapagkat hindi niya hinayaan na ganuon nga ang mangyari bagkus ay hinayaan niya na makapag-usap ang dalawa at magkapaalamanan...
“ Aalis na ako, gusto nila mama at papa na ipagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa ibang bansa upang mas maging maganda ang aking kinabukasan.” Lungkot na lungkot na wika ng isa.
“ ok lang iyon… alam ko naman na hindi talaga pwede ang nais natin sapagkat labag ito sa maraming bagay. Mag-iingat duon ah” Tugon naman ng isa na nanggigilid na ang mga luha sa kanyang mga mata.
“ Tunay na kaylangan ko itong gawin para rin sa aking sariling kapakanan ngunit nais ko na iyong malaman ang katotohanang …
Hindi mo ako pwedeng maging kasintahan…pero hindi na ngangahulugang hindi kita minahal”.

-WAKAS -








           

6 comments:

  1. Ang pag-ibig ay maituturing hiwaga ng buhay kung papaano nanagap. Hindi mo alam kung saan, kaylan at kung kanino ka iibig...

    ReplyDelete
    Replies
    1. tam po ba format ng pagsasalaysay na bolg mo?

      Delete
  2. ang pag-ibig kusang dumarating hindi mo alam kung saan at kailan minsan nga dumadating ito kung saan hindi ka pa handa...

    ReplyDelete